Tingin ng mga bobong kapitbahay ko puta daw ako.
Nagpapagamit, binabayaran. Sabi nila ako daw ang
pinakamaganda at pinakasikat sa aming lugar noon. Ang
bango-bango ko daw, sariwa at makinis. Di ko nga alam
kung sumpa ito, dahil dito naletse ang kinabukasan ko.
Halika at makinig ka muna sa kwento ko.
Alam mo, maraming lumapit sa akin, nagkagusto,
naakit. Sikat ka sa lahat, virgin eh! Tinanggap ko naman
silang tao, bakit kaya nila ako ginago? Masakit
alalahanin, iniisip ko na lang na kase di sila taga
rito, siguro talagang ganoon. Tatlong malilibog na
foreigners ang namyesta sa katawan ko, na-rape daw
ako?
Sa tatlong beses akong nagahasa, ang pinakahuli ang di
ko makakalimutan. Parang maski di ko ginusto ang mga
nangyari, hinahanap-hanap ko siya. Tinulungan nya kasi
akong makalimutan yung mga sadistang Hapon at
Kastilaloy. Kase, ibang-iba ang hagod niya. Umiikot
ang mundo ko sa tuwing ginagamit niya ako. Ibang klase
siya mag-sorry, lalo pa at kinupkop niya ako at ang
mga naging anak ko.
Parating ang dami naming regalo - may chocolates,
yosi, at ano ka may datung pa! Nakakabaliw siya,
alam kong ginagamit nya lang ako pero pagamit
naman ako nang pagamit. Sa kanya namin natutunan
mag-Ingles, di lang magsulat ha! Magbasa pa!
Hanggang ngayon, sa tuwing mabigat ang problema
ko, siya ang tinatakbuhan ko. ‘Yun nga lang, lahat
ng bagay may kapalit. Nung kinasama ko siya,
guminhawa buhay namin. Sosyal na sosyal kami.
Ewan ko nga ba, akala ko napapamahal na ako sa
kanya. Akala ko tuloy-tuloy na kaligayahan namin,
yun pala unti-unti niya akong pinapatay. P***ng I**! Sa dami
ng lason na sinaksak niya sa katawan ko, muntik na
akong malaspag. Ang daming nagsabi na ang tanga
tanga ko. Patalsikin ko na daw. Sa tulong ng mga
anak ko, napalayas ko ang animal pero ang hirap
magsimula.
Masyado na kaming nasanay sa sarap ng buhay na
naranasan namin sa kanya. Lubog na lubog pa kami sa
utang, kulang ata pati kaluluwa namin para ibayad sa
mga inutang namin.
Sinikap naming lahat maging maganda ang buhay
namin. Ayun, mga nasa Japan, Hong Kong, Saudi ang
mga anak ko. Yung iba nag-US, Europe. Yung iba
ayaw umalis sa akin. Halos lahat, wala naman
silbi, masaya daw sa piling ko, maski amoy usok
ako.
Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang
kalagayan namin, siya din ang dami ng mga anak ko na
namamantala sa kabuhayan at kayaman na itinatabi ko
para sa punyetang kinabukasan naming lahat. Dumating
ang panahon na di na kami halos makaahon sa hirap ng
buhay. Napakahirap dahil nasanay na kami sa ginhawa at sarap.
Ang di ko inaakala ay mismong mga anak ko, ang
tuluyang sisira sa akin. Napakasakit tanggapin na
malinlang. Akala ko ay makakakita ako ng magiging
kasama sa buhay sa mga ahas na ipinakilala ng mga
anak ko. Hindi pala. Ang tanga ko talaga. Binugaw
ako ng sarili kong mga anak kapalit ng kwarta at
pansamantalang ginhawa na nais nilang matamasa.
Wala na akong nagawa dahil sa sobrang pagmamahal
ko sa aking mga anak. Wala akong ibang yaman kundi
ganda ko. Pinagamit ko na lang ng pinagamit ang
sarili ko, basta maginhawa lang ang mga anak ko.
Usap-usapan ako ng mga kapitbahay ko. May
nanghihinayang, namumuhi at naaawa. Puta na kase
ang isang magandang tulad ko.
Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa pagpuputa
kaso ang laki talaga ng letseng utang ko eh.
Palaki pa ng palaki. Kulang na kulang. Paano na
lang ang mga anak ko naiwan sa aking punyetang
puder? Baka di na ako balikan o bisitahin ng mga
nag-abroad kong mga anak. Hindi na importante kung
laspagin man ang ganda ko, madama ko lang ang
pagmamahal ng mga anak ko. Malaman nila na gagawin
ko ang lahat para sa kanila.
Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa
rin ako. Meron pa din ang bilib sa akin. Napapag
usapan pa din. Sa tuwing nakikita ko ang mukha ko sa
salamin, nakikita ko ang mga anak ko. Tutulo na lang
ang mga luha ko ng di ko namamalayan. Ang gagaling
nga ng mga anak ko, namamayagpag kahit saan sila
pumunta. Mahusay sa kahit anong gawin. Tama man o
mali. Proud ako sa kanila. Kaso sila, kabaligtaran ang
nararamdaman para sa akin.
Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang may malasakit
sa akin. May malasakit man, nahihilaw. Ni di nga ako
kinikilalang ina. Halos lahat sila galit sa isa’t isa.
Walang gusto magtulungan, naghihilahan pa. Ang
dami ko ng pasakit na tiniis pero walang sasakit pa nung
sarili kong mga anak ang nagbugaw sa akin. Kinapital
ang laspag na ganda ko. Masyado silang nasanay sa
sarap ng buhay. Minsan sa pagtingin ko sa salamin, ni
hindi ko na nga kilala ang sarili ko.
Dadating na naman ang pasko, sana maalala naman
ako ng mga anak ko. Ilang buwan pa, magbabagong taon na.
Natatakot ako sa taong darating. Ngayon pa lang usap
usapan na ang susunod na pagbubugaw ng ilan sa mga
anak ko. Sana may magtanggol naman sa akin,
ipaglaban naman nila ako. Gusto kong isigaw: "INA
NINYO AKO! MAHALIN NYO NAMAN AKO!"
Salamat ha, pinakinggan mo ako.
Ay sorry, di ko pala nasabi pangalan ko.
PILIPINAS nga pala pangalan ko!